RACE-all-you-can
06:27pm.
Presko at malamig ang ihip ng hangin. Nakakabingi ang katahimikan na tila ba iisa lang ako sa isang islang napapalibutan ng masukal na kagubatan, at hindi ng karagatan.
Bumangon ako mula sa pagkakahiga. Binuksan ang TV, at naghanap ng kapanipaniwalang istasyon. Nang makakuntento ay nakasaksi ng mga balitang kaliwa't kanang krimen na mga nangyayari mula sa iba't ibang panig ng Maynila. Krimen na tila ba walang katapusan, na nagmula pa ng hugitin mula sa tadyang ni Adan si Eba. Pinatay ko na lang ang TV, dahil paulit-ulit naman ang mga pangyayari; may nagsaksakan sa dahilan ng rambol, may pangyayari pa na umabot ng 37.5 degree celsius ang init ng panahon, balitang nangunguna pa rin si Noynoy sa pagkapresidente na mag-iisang buwan nang binibilang. Kinabog pa ng mano mano ang PCOS machines ni Gordon. At higit sa lahat ay ang pagkalat na raw ang mga Jejemon. Hindi naman ako nabahala, palaos na sila ngayon.
Bumaba ako ng kwarto, binuksan ang ref at hinila ang Margarita na natira pa mula ng gabing nagkasiyahan kami magkakaibigan. Hiniwa ang lemon ng pira-piraso, at nagdikdik ng sandamakmak na yelo. Nagtimpla rin ng kape, ni hindi ko rin malaman kung bakit. Natuwa ako sa sarili ko, hindi dahil sa uminom ako ng nag-iisa. Kundi dahil sa wakas ay alam ko na kung paano tinitimpla ang kape, dahil turo lang sakin ni Mama ay 3 in 1 lang. Salamat sa nag-iisang Game Master sa buhay ko, si Kuya Bryan, dahil itinext pa niya sa akin kung paano ang perpektong pagtimpla.
Umakyat akong muli sa kwarto, nag-isip isip na para bagang may problemang dapat ayusin. Swabeng swabe sa dila hanggang sa lalamunan ang unang shot na nainom ko kasabay ng yosi na nagpapaginhawa dito. Uminom ulit ako. Inom lang, hanggang sa nawalan ng malay...
12:25am.
Wala akong naulinig na kahit ano na yabag ng tao. Nagulat nalang ako ng makita ko na ginigising ako ng kaibigan ko, apat na taon na ang nakalipas. Ginising ako sa bangungot na hindi ko kaya takasan, binuhat at isinakay sa tsekot hindi naman bago sa paningin ko.
Simpleng mamamayan lang ako, simpleng tao na nabubuhay sa kumplikadong mundo. Hindi mayaman, hindi naman sobrang hirap. Marunong sumakay ng jeep at ng pedicab. Pero dahil modernisado na ang mundo, sumasabak na rin ako sa bakbakan sa LRT. Nakaramdam lang na walang silbi sa kadahilanang hindi ako nakaboto noog nakaraang eleksyon. Wala pa kasi sa legal na edad. Kuntento na ako sa buhay ko bilang isang teenager na nag-aaral, kumakain, natutulog, naglalakwatsa, sinesermonan ng nanay, nagpe-Facebook at nagmamahal.
Pero bigla ko lang naisip na tama nga ba ito? Tama ba na mapasama ako sa mga hindi ko ka-lebel? Dahil alam kong mayaman ako, mas mayaman pa sa dagang pumupuslit ng keso nila sa kusina. Marami nga akong kaibigan. Lahat nakakasundo ko naman. Merong may hitsura, merong wala. May matapang, may duwag. May matalino, meron din makitid. Hindi rin nawawala ang mga maarte, makonyo. Merong mahirap lang at sakto lang, may mayaman at sumobra ang pagkayaman.
Pero nung gabing iyon, hindi ko naramdaman ang pagiging normal. Feeling ko, sobrang yaman ko na din. Umapaw sa yaman ng pagmamahal ng isang kaibigan para itakas ako sa gabi na kinailangan ko ng kausap. Sa isang gabi na tila hanggang panaginip ko lang mararanasan.
Kumportable ako sa kinauupuan ko. Maayos at hindi makaltag ang byahe. Kaakit akit ang amoy ng loob ng kotseng iyon na sinabayan pa ng soft music na pinamagatang Masaya. Malayo layo na rin ang natatakbo ng makinanang iyon. Napansin ko nalang na nasa Maynila na kami ng makita ko ang kalabaw na estatwa katapat ng monumento ni Rizal. Hindi ako makaharap sa nagmamaneho dahil wala pa akong balak alamin kung sino siya. Basta't ang alam ko ay kaibigan ko siya. Matalik na kaibigan. Mahal niya ako, ganon din ako sa kanya. Dire-diretso siya sa pagmamaneho. Walang sinasanto, napaghahalataang hari ng kalsada.
May kumabog sa dibdib ko, ito ang takot dahil inakala kong mawawalan siya ng preno. Hindi pa din ako nakatingin sa kanya, sa bintana ko lang. Wala pa nga ako sa sarili. Ang sabi ko lang, "Tama na, delikado." sabi naman niya," Wala pa, Anne. Malayo layo pa tayo." hindi na ako kumibo ng marinig ko ang boses niya, tinig na dati ko pa naririnig. Yung tinig na tila maamo, malamlam at kapanipanabik...
Napagtanto ko nalang na nasa Blue Wave na kami. Nagpa full tank na siya ng gas. Marangya, mapera. Yan ang masasabi ko sa kanya.
Walang anumang pagdududa, tinawag ko siya sa pangalan, at sumagot nman siya, "Yes? We're already here." Sabi ko na nga ba, siya yun. Inglisero kasi.
Siya si Kean, isang UPian. 22 na taong gulang. Gwapo, bilog ang mga mata. Sakto lang ang height sa katawan. Maputi. Mabango. Yung tipong dream guy ng mga babaeng masasabi mo na may taste nga naman talaga. May angas. Mayabang. Ngunit kahit ganoon ay masasabi kong siya ay may utak. Utak na hindi mo makikita sa ibang kalalakihan na puro porma lamang ang gusto, "kamote" ika nga sa mga salitang kanto. Nakilala ko sa isang convention sa Ateneo kung saan ako ay ipinadala ng aming eskwelahan.
Bumaba siya, at pinagbuksan ako ng pinto at siya pang nag-alis ng seatbelt ko.
DRAG RACE. Sabi ko na nga ba.
Pagkababa ay ipinakilala ako sa tatlo pa niyang mga kaibigan. Sa kapwa niya mabibisyo.. sa kapwa niya racers. Kami naman ni Kean, naghintay lang sa mga susunod na pangyayari habang nagbabaraha. Nasita pa ng mga mamang naka-uniporme na nagaangas-angasan. Alam na may illegal na mangyayari, kung kaya't pinagtabuyan pa kami. Malalim nga ang gabi, hindi ko alam na pupuwede parin pala masilaw ang mga manong na may baril at posas. Kung pano nangyari, isang abot lang naman.
03:13am.
Matapos ang mahabang kwentuha't pag-uusap ay may iba pang mga dumating. Dalawa pang magarang wheels. Doon sila nakipagsundo. Naramdaman ko ang init sa aking katawan, dahil alam ko na lasing ako. Hinawakan ni Kean ang aking mga kamay. Tinitigan ako na parang hindi na kami magkikita pang muli.
Kainitan na sa Macapagal. Dalawang kotseng high-class ang magkatabi. Isang Honda Fit na medyo pipichugin ang itsura at isang Porsche na gintuin.
Walang anumang pagdududa'y sumakay na kami ni Kean sa gintuing tsekot, at muling hinigpitan ang seatbelt na ikinabit sa akin. Kinilig ako, siyempre.
Nagumpisa na ang karera. Nagkatinginan ang dalawang nagmamaneho sa isat isa sabay signal ng isang lalaking may kalakihan ang katawan. Kung sino man siya, hindi ko din maalala. Ngipin sa ngipin ang labanan. Nanguna si Porsche, ilang metro lang naman ang layo kay Fit. Walang magpapatalo, dahil kulang kulang bente mil ang taya nila. Bente mil na sweldo na ng isang buwan sa puyat na call center agent sa Eastwood. Bente mil na kinikita ng isang pawisang karpintero ng dalawang buwan at isang linggo. Bente mil na hindi mo mapupulot san mang sulok ng kalawakan ka mapunta. Bente mil na maaring tumapos sa marangyang buhay ng isang racer at ng isang tulad kong marami pang pangarap sa buhay.
Matapos ang limang minuto, humina ang preno ni Kean. Pinahinto ko siya sa sobrang takot ko. Oo, hilig ko at nakasanayan ko na sumama sa mga karera. Hilig ko itaya ang kung ano ang meron ako, makamit ko lang ang nais ko. Kahit buhay ko pa para may thrill naman. Mabilis ang mga naganap na pangyayari, kasing bilis ng break-up namin ng ex ko.
Si Fit, tuloy padin. Hanggang sa hindi na namin ito natanaw. Marahil ay nagbunyi ng pagkapanalo. Umatras na kami ni Kean at bumalik sa starting line. Tanggap niya ang pagkatalo niya, dahil na rin sa akin. Wala lang naman sa kanya ang pera eh. Barya lang sa kanilang mayayaman yun, baka basura pa nga.Hindi na nakabalik si Fit. Nawala ng parang bula. Yun pala'y umabot na siya sa finish line. Oo, at lagpas pa dun ang narating. Nagpaikot-ikot pa nga raw, kwento ng isang racer. Akala ko nga'y nagpasikat lang para lumagpas pa sa pader na tinamaan niya. Akala ko ri'y nagmadali lang papuntang Marina, yun pala'y papuntang heaven na.
Mas lalaong bumilog ang mga mata ni Kean, lumaki pa kamo sabay haltak sa akin papaloob sa kotse. Kinalabit ang starter sabay humarurot papalayo.
Makita ko'y nasa tapat na kami ng bahay niya sa La Vista.
Presko at malamig ang ihip ng hangin. Nakakabingi ang katahimikan na tila ba iisa lang ako sa isang islang napapalibutan ng masukal na kagubatan, at hindi ng karagatan. Tila napag-isa na ang dalawang nilalang na kanina'y nag-iisa lang.
Mas lalo kong nadama ang pagkasabik sa taong hindi ko akalain na mapapasa-akin, na sa isang iglap pala ay pupwedeng mabago ang lahat. Ang pangingibabaw ng galak sa tuwing kami'y magkasama, pati na rin ang pabigla-biglang bulusok ng init sa aming mga katawan.
Sing init ng impyerno lalo na kung summer at sing lakas ng narinig ko na hiyaw ng ina ko nung umagang iyon, "ANNA MARIEEEE, gumising ka na! Tanghali na!"
"There are really stories that must be left untold." sabi nga ni Marco.
Ang sa akin naman, it doesnt matter if this story really happened, I'll just keep you hanging with that.... :)


0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home